Masama ang gising ko... Mag-a-alas tres na nang ako'y makatulog at alas otso pa lamang ay nagising na ako sa nakakairitang init ng araw. Nakakasama ng pakiramdam. Dahilan upang hindi maging kaaya-aya ang aking umaga.
Nakahain na ang aking almusal sa hapagkainan. Tinikman ko ng isang beses ang aking pagkaing omelette at sinangag. Walang lasa. Nakakasuka. Masama ang aking panlasa. Pinili ko na lamang ang hindi kumain. Ininom ko na lamang ang aking tsokolate.
Humiga muna ako panandalian sa sala dahil sumasama lamang ang pakiramdam ko sa aking silid. Nakinig ng radyo. At ang nakakatuwang sila Nicole Hyala at Chris Tsuper ang sakto kong napakinggan. Tama na sana ngunit bigla nilang napag-usapan ang sex scandal na sa aking palagay ay masyadong overrated at OA. Pinatay ko na ang radyo. Nakakasawa.
Umidlip ako panandalian ngunit hindi ko nagustuhan ang aking pag-idlip. Hindi kasinlambot ng kama ko ang sofa. Nakakasakit ng likuran.
Tumayo ako at nagbasa na lamang ng aklat. Nakakatuwa at nakakaaliw.
Mula sa pagbabasa'y pinili ko na rin sa wakas ang kumain dahil kumakalam na ang aking sikmura. Hindi ko alam ngunit kumuha ako ng juice sa refrigerator at nang aking inumin ito'y nasamaan ako sa lasa. Lasang alak. Kumuha ako ng tubig. Lasang alak pa rin. Nawalan ako ng gana sa aking kinakain. Nakawawalang-gana.
Pumunta na lamang ulit ako sa aking silid at baka mas matiis ko pa ang init na sintalim ng mga karayom sa tuwing ito'y dadapo sa aking balat.
Marahil ay ganito talaga ang pakiramdam ng isang Layout editor na naiinis sa mga taong ginagawan nya ng yearbook ngunit hindi alam ang kahulugan ng salitang kooperasyon, tulong at utang na loob. Siguro'y ganito ang pakiramdam ng isang taong naiinis sa mga taong tinutulungan mo ngunit hindi naman nila alam kung paano tulungan ang mga sarili nila. O siguro ay ganito ang pakiramdam ng isang taong walang sapat na tulog.
Bahala na.
2009-05-26
Distasteful
Posted by Aaron Lee Amarga at 10:08:00 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)


0 comments:
Post a Comment